jump to navigation

Ang dilema ng Edukasyong Filipino, Pilipino o Flipino December 1, 2008

Posted by bagongpananaw in Edukasyon.
6 comments

Graduation na naman. Kumpletuhan na naman ng mga ‘requirements’ para makaraos sa pag-aaral, para makamit ang pinakamimithing diploma, para makahanap ng trabaho, para kumita na, para makatulong na sa pamilya, para… para… para… Talaga namang ‘excited’ na ang mga estudyante, maging ang mga magulang sa ‘fiesta’ ng graduation. Elementary, High School at College ay pare-pareho, na para bagang tunay na may maaasahan ka pa sa edukasyong Filipino… (Filipino nga ba o Pilipino? paki-wasto nga!!!)

Pero teka nga muna… tutal edukasyon ang ating tinatalakay sa artikulong ito, di ba ginagamit dito ay utak, pala-aral at mapag-analisang utak… Bakit kaya di natin subukang gamitin nga ang ating mga utak at ituon ito sa pag-aanalisa kung tunay na may maaasahan pa tayo sa Edukasyong FLIPINO (hindi ako na-’wrong’ ispeling ha!!!). Gamitin mo lang ang utak mo at obserbahan kung totoo ang mga tatalakayin ko dito ha!!!
         Sige, simulan na natin… Unang-una, pansinin mo dito sa ating kinukurakot na bansa, halos lahat ng tao basta tumuntong ng anim o pitong taong gulang (nauuso na din nga ng husto ang nursery, kinder at prep.) siguradong ipapasok na sa eskuwelahan. Madalang ang mga batang hindi nag-aaral sa ganitong edad. Daan-libong mag-aaral ang pumipila sa palistahan ng mga eskuwelahan maging pribado man o pampubliko. Mag-aaral sila ng anim na taon, tapos ay aambisyuning makatuntong at makatapos din ng kahit high school man lamang. Bale ba ay sampung taon na ang kanilang dapat na ibuno. Ngayon, pagdating sa kolehiyo ay ibang usapan na. 
Sa kolehiyo kasi ay mas mabigat na. Kahit kasi may mga natawag na ‘state colleges and universities” ay masyadong mataas daw ang antas ng kalidad nila kaya dapat ay mataas din ang marka o grade ng mag-aaral dito. Di pwede ang aral baon lamang na estudyante. Eh iyong ibang kolehiyo at unibersidad naman ay pagka-mamahal ang matrikula na kung isasama mo ang pang-araw-araw na gagastusin ay aabot ng daan-libo bago makapagpatapos ang isang magulang na iginagapang lamang (kahit hindi ahas o bulate man lang kaya!!!) ang kanilang mga anak.
         Kaya nga ba’t pagdating sa kolehiyo ay kalahati na lamang sa orihinal na mag-aaral na pumasok noon sa elementarya ang nakapagpapatuloy. (Nasusundan mo pa ba ang linya ng aking argumento?)
          Subalit magka-gayon pa man ay talaga namang daan-libo pa din ang pumapayok na mag-aral sa kolehiyo. Ngayon, heto na ang masaklap, sa dinami-dami ng mga mag-aaral na ito at maging ng mga Kolehiyo at Unibersidad na bawat isa ay umaangkin sa karangalan bilang pinaka-mahusay daw na eskuwelahan, bakit kahit na pinaka-simpleng problema ng bansa ay hindi malutas. Simpleng problema na lamang ang aking itatapat o itatanong sa mga ito (mga iskolar daw o maging mga dalubhasa daw na mga propesor nila), iyon bang problema sa basura!!! Sa hinaba-haba ng panahon ng pag-aaral ng mga tinamanang-kulog na ito ay hindi naituro at nakasanayan (di na ba ito ang isa sa mga mithiin daw ng edukasyon???) na maging malinis man lamang???
     Pagka-gagaling ng mga tinamanang-lintek na propesor, kesyo nag-aral pa sa abroad o kung saan man ng Masteral at Doctoral degree nila… Hanep din naman isinabit lang pala sa dingding ang diploma at kinalimutan na yata kung mayroon man, ang edukasyon kunong natamo nila…

          Simpleng problema pa lang ang nabanggit ko sa itaas, paano pa kaya kung itanong natin sa kanila ang problema mismo ng sektor nila… Ang mga estudyanteng tinuruan daw nila ng kung anu-ano, hindi kaya nila tinuruan kung papaano mabawi ang pinuhunang pera at pagod sa pamamagitan ng kasiguraduhan ng pagta-trabaho sa kani-kaniyang larangang pinag-aralan. Halimbawa kung ‘engineering’ ang tinapos ay makapag-trabaho bilang isang engineer at hindi taga-benta ng insurance o avon beauty products kaya.
        Hindi kaya nai-isip ng napakarurunong na mga TITSER at PROFESSORS na ito na bale wala ang kanilang karunungan (kung karunungan ngang matatawag) kung turo lang sila ng turo pero ang tinuruan nila ay hindi man lamang makapag-trabaho dito sa bansa kung saan sila nagsipag-aral (estudyante) at nagsipag-turo (marurunong na Titser at Professors). Anong klase kayang pormula o teoryang kinalkal sa mga libro ng iba’t-ibang ekspertong banyaga ang makasasagot sa simpleng katanungan kong ito?

         Pagkadami-daming utak ang gumagana ngayon sa pagkadami-daming eskuwelahan, kolehiyo at unibersidad… Pakisuyo naman na bigyan ng kasagutan ang katanungang ito….  Kung walang makakasagot dito ng konkreto ay ano pa kaya ang say-say ng ating tinatawag na edukasyon, ang pagka-haba-habang proseso ng pagsusunog ng kilay at kung anu-anong buhok sa katawan, at ang pag-uubos ng pera ng mga mahihirap na taong-bayan na umaasang sa pag-papa-aral sa kanilang mga anak ay makasusumpong ng kaginhawahan at maia-ahon sa kumunoy ng kawalang pag-asa sa buhay ng mga alamang…. HAY NAKU… medyo mahaba-haba na ang litanyang ito ng isang simpleng problema lamang…. ANO NA KAYA ANG MANGYARI KAY FLIPINO, TULUYAN NA KAYA SIYANG MA-FLIP..
          ITO AY ISANG HAMON (hindi iyong natitikman lamang na makain, swertihan lang kapag pasko ng mga mananampalataya) PARA SA LAHAT NG NAG-AARAL, NAGTUTURO, NAGMAMARUNONG, MGA DEAN, MGA PROFESSORS, MGA ISKOLAR, MAGING SA MGA ISTAMBAY SA KANTO (magka-minsan ay mas sensitibo ay makabuluhan pa ang kanilang sentido-kumon). PAG-ISIPAN NATIN ITO!!!

***** Ito ay isang isinumiteng artikulo sa sibolsoft ni
BETONG AKTIBISTA – Noon at Ngayon

Ang Panimula December 1, 2008

Posted by bagongpananaw in Ang Aking Paglalakbay.
9 comments

     Huwag ka sanang mabibigla sa mga isisiwalat ko dito sa Bagong Pananaw. Kung hindi naman makaka-abala sa iyo ng husto, at matiyaga kang magbasa ng istorya ng may istorya, ay pumalaot ka na kasama ko…

     Isinilang ako sa isang maliit na bayan ng San Rafael sa isang ordinaryong pamilya na kabilang sa iyong matatawag na ‘lower middle class’. Parehong kawani ng pamahalaan ang aking magulang. Ang lola ko sa bahagi ng aking ina ay isang BIsaya na tumakas sa Cebu ng siya ay dalagita pa lamang at sumuong sa buhay ng isang katulong sa Luzon ay nagka-anak (ang nanay ko nga). Ang lolo at lola ko sa bahagi ng aking ama ay mga magsasaka na lumaki sa gitna ng kalupitan ng init ng araw at sundalo ng Hapon at pamahalaan. Ang aking kabataan ay inubos namin ng aking mga kalaro sa (paraiso ng kabataan noon) gitnang bukid, patubig, at tumana kung saan hitik sa bunga ang mga punong-kahoy at pananim ng hindi naman mararamot na mag-gugulay.

     Nagtapos ako ng elementarya sa paaralan ng mga ‘Religious of the Virgin Mary’, dalawang taon sa mga ‘Paulinian SIsters’ sa high school, at sa Dominican Fathers ng Unibersidad ng Santo Tomas. Subalit sa gitna ng relihiyosong kapaligiran na aking nilakhan: pag-oorasyon sa tuwing ika-anim ng gabi; mga litanya ng dasal na paulit-ulit na sinasambit tuwing magsisimula at matatapos ang klase; prusisyon doon at dito; mga padasal at seremonya kabi-kabila; mga pagkabisa sa mga buhay ng pagkarami-raming mga santo at santa; mga pagsasalita at pangangaral ng mga pari (na siya naming kaulayaw sa unibersidad) hinggil sa pagkakapantay-pantay daw ng lahat sa mata ng diyos; atbp, atbp… ay hindi ko NAKITA ang katotohanan o realismo sa paligid. Mga pagka-gagandang konsepto ng LOVE, PEACE, EQUALITY… na para bagang sa teksto mo lamang maiintindihan pero kapag dumilat ka na sa tunay na nagaganap sa buhay ay parang mga bulang nagsi-putok at naglaho. (Mainam pa nga ang mga bulang palobo namin noong kabataan na dinidikdikan ng bulaklak o kaya ay ubod ng gumamela, medyo matagal bago pumutok.)

     Ito ang nagtulak sa akin upang magsulat ng ganito dito sa ‘blog-site’ na ito. Baka sakaling may tumutugma sa aking BAGONG PANANAW, upang may maka-ugnayan, baka sakaling makabuo ng PANIBAGONG DIREKSYON at makahulagpos sa hindi matapos-tapos na katarantaduhan at paikot-ikot na kabugukan sa lipunang Pilipino.  Mahaba-haba ang aking mga iku-kwento…

… subaybayan (sana)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.