Ang Karugtong ng Panimula – Unang Artikulo May 19, 2009
Posted by bagongpananaw in Ang Aking Paglalakbay.8 comments
Karugtong ng Panimula – Fransisko Kiamko
Mayo 15, 2k9 (12:15 am)
Nakatapos ako ng kolehiyo na mukhang mas marami pang katanungan nabuo at naiwanan sa aking isip, keysa sa nasagot. Ano ba naman yan? Noon kasing panahon na iyon ay itinuturing na napakahalaga ng edukasyon lalung-lalo na’t isa kang probinsyanong pumalaot at lumuwas ng Maynila upang mag-aral sa isang kilalang unibersidad. Inaasahan ng mga katandaan at katulad mong kabataan na kadalubhasaan ang iyong makakamit, at mga matatalinong kasagutan sa katanungan ng buhay. SUBALIT, taliwas sa inaasahan nila, maging ng aking sarili ay mas gumulo pa ang lahat sa aking isipan!!!
Lahat daw ay pantay-pantay sa mata ng diyos. Isa ito sa prinsipyong inukilkil sa amin sa loob ng klase. Minsa’y naglakas-loob akong palutangin sa loob ng klase ang kawastuan at/o kabalintunaan ng ganitong pananaw. Kung tunay na pantay-pantay ang lahat sa mata ng diyos (baka natutulog ang sinasabi nilang diyos), baka hindi niya nakikita o baka naman nakatalikod dahil hindi ko makita at malinawan ang karangyaan ng aking mga ka-klase na nakatira sa Forbes Park sa mga naglalakihang bahay na bato, air-conditioned ang mga kwarto na halos kasinglaki na ng buong bahay namin sa probinsya, naka-uniporme ang mga katulong na mas plantsado pa ang uniporme keysa sa sinulsihang uniporme ko at may sariling kwartong may telebisyon pa samantalang kami ng siyam kong kasamahan sa apat na metrong parisukat na boarding house ay nagkakasya sa tatlong palapag na kama at nakikinig lang sa palatak ng mga butiki sa kisame at kaluskos ng daga at ipis sa loob ng butas na dingding… TANGNA, nasaan ang pagkaka-pantay pantay sa mata ng diyos. O baka naman diyos lang nila ang tinutukoy at hindi kami kabilang sa mga ‘masusuwerting’ anak ng diyos nila.
Huwag mo sanang masamain ang ginagawa kong pagkukumpara, ang sabi kasi ay pantay-pantay ang lahat… kaya’t aking inobserbahan at sinaliksik ang iba’t-ibang aspeto ng aking kapaligiran hangga’t maaari.
NASA TAO (daw) ANG GAWA at NASA DIYOS ANG AWA! Nakupo!!! bakit parang baligtad na naman ang nakikita ko sa ating kapaligiran??? Ang ordinaryong naghihikahos na kababayan natin ay kayod ng kayod, gawa ng gawa, pero wala pa ring makuhang awa (o grasya daw ayon sa mga mananampalataya) mula sa diyos ng banyaga. Samantalang ang mga may salapi (o yung tinatawag sa Pilipinas na mayayaman), ay siya pang mas higit na yumayaman kahit, paupo-upo lamang at pakain-kain lamang ng masasarap na pagkain at palakwa-lakwatsa lamang sa mga mamahaling lugar sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. MUKHANG MAY MALI YATA SA SISTEMA.
PINILIT KONG IHANAP NG KASAGUTAN ANG MGA NAG-UUMPUGANG REALIDAD AT TEORYA SA ATING LIPUNAN. Bago pa man ako makatapos ng kolehiyo ay sinaliksik ko na ang mga sulok ng aklatan sa unibersidad kung saan ay isinubsob ko ang ulo sa pagbabasa (kasama na rin ang pagtulog… air-conditioned kasi ang aklatan ng pilisopiya, kumpara sa impyernong silid-tulugan naming magkaka-room-mate). Nasumpungan ko ang mga liberal na ideya ng Europa na umusbong noon pang huling yugto ng 1700 (susmaryosep… sa Europa pala ay liberal o malaya nang nag-iisip ang mga tao, samantalang sa lupain natin ay niyuyurakan pang kasalukuyan ng mga prayleng Katoliko at gwardya sibil ang ating mga kaisipan at katawan…) Pagka-dami-dami ng mga ideya at mga eskuwelahan ng ideya (school of thought) ang aking binusisi: skepticism, agnosticism, stoicism, liberalism, communism, socialism, existentialism, ang dami talaga… )
AKING NAITANONG SA SARILI (sana itanong mo din sa iyo…): Bakit sila ay malayang nakapag-iisip ng kung anu-ano, tumuklas ng iba’t-ibang pamamaraan, at magpa-unlad ng kaisipan, samantalang dito sa ating bayan ay bawal ang kumuwestyon sa nakagisnang paniniwala. Babansagan kang kampon ng demonyo, sinasaniban ng masamang espiritu, lapastangan at kung anu-ano pa, kung sasalungatin o kaya ay sasalingin mo man lamang ang pundasyon ng kanilang pananalig.
Napagkuro-kuro ko na relihiyon ang isang sagabal sa ating lipunan. Masyadong atrasado ang paniniwalang Katoliko at mapaniil ng kaisipan. Matindi lamang kumontrol sa mga mananampalataya sapagkat gumagamit ng pananakot upang mapasunod na parang robot ang mga ito…
Ibinaling ko ang aking pagsasaliksik sa relihiyon. Nakupo!!! pagkadami-dami din pala. Mula sa mga primitibong relihiyon ng mga katutubo, hanggang Zoroastrianismo, Judaismo, Hinduismo, Mohamedanismo, Kristianismo, Protestantismo, Katolisismo, Shintoismo, Taoismo, Confusianismo… puro ismo, puro ismo…
Lahat ay umaangking sila ang tunay na makapagpapalinaw ng landas ng tao… Saan naman kaya patungo, sa parasitismo o oportunismo. (SUSUNOD… Ang litanya ng mga relihiyon.)
Ang Sagot sa Komentaryo at mga Tanong ni Jim May 11, 2009
Posted by bagongpananaw in Ang Aking Paglalakbay.3 comments
Ito ay kasagutan sa mga katanungan ng isang nag-ngangalang JIM na nag-iwan ng komentaryo sa aking artikulo.
Unang katanungan: “Trabaho ba ng isang guro na bigyan ng trabaho ang mga estudyante niya?”
Ang unang trabaho ng isang guro (ang salitang guro ay hango sa salitang Indian na guru na ang ibig sabihin ay “master”), kung tunay siyang guro, ay ang pag-aralan at siyasatin ang mga kaalamang (knowledge) kaniyang isasalin o ituturo sa kanyang mga estudyante. Marapat lamang na gugulin niya ang kanyang panahon upang tiyakin na wasto ang kaalamang kanyang isasalin upang ito ay maging isang karunungan (intelligence). Kapag ang kanyang mag-aaral ay marunong ng gumamit ng naisalin niyang kaalaman, at ito ay ginamit sa matino makataong paraan ay sisibol ang katalinuhan (wisdom).
NGAYON, hinggil sa itinatanong mo kung trabaho ba ng isang guro na bigyan ng trabaho ang estudyante niya, kung ang ibig mong tukuyin ay iyong literal na bibigyan o hahandugan ng trabaho, ang aking kasagutan ay lumalagapak na HINDI. Batay sa aking tinalakay sa itaas, ay trabaho at responsibilidad
ng isang guro o titser na siyasatin ang kaalaman, ituro ang karunungan, at siguraduhin ang katalinuhan ng kanyang mag-aaral. Ibig sabihin ay responsibilidad niya ang salaminin at siyasatin ang katotohanang
nagaganap sa kapaligiran ay humabi at / o bumuo ng mga kaalaman, karunungan at katalinuhan batay sa katotohanang ito.
Isalin natin sa konkretong halimbawa, “ANG PAGTUTURO NG KAALAMAN HINGGIL SA KURSONG NURSING.” Sa unang antas, sa kaalaman o knowledge, ay alam nating lahat na sobra na ang dami ng mga kabataang mag-aaral na nakakuha na ng kurso na ito subalit dagsa pa rin ang nagnanais na kumuha. Siyasatin natin ang katinuan ng ganitong kaisipan. Ano ang dahilan at nursing ang gustong kuhanin ng mga mag-aaral? Dahil ba sa pagnanais nilang makatulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng ating mga mamamayan? Nakabilad sa atin ang konkretong katotohanan na ito ay isang retorika na lamang at ang tunay na dahilan ay upang tumakas sa ating ‘god forsaken’ na bansa, mag-ala-tsamba na uminam ang kalagayang ekonomikal sa pamamagitan ng pagkita ng dolyar sa ibang bansa. Kumukuha sila ng karunungan hinggil sa kursong ito dahil in-demand daw sa ibang bansa!!! Nasaan ang katalinuhan dito? Maging ang mga guro at professors nila ay ganito din ang ibinabando, pati ang mga kolehiyo at unibersidad ay
nag-fiesta.
Hindi naman sa isinisisi sa mga guro ang ganitong sitwasyon. Sa totoo lang… ang ambisyon ay pukawin ang mga natutulog yatang diwa ng mga gurong ito… Tunay na maraming ‘factors’ na nakaka-apekto sa mga bagay-
bagay kabilang na ang paghahanap ng trabaho. Itong mga factors na ito ang hindi ba ay dapat na busisiin, aralin, paghalawan o pagkunan ng mga batayan para sa sarili nating teorya at prinsipyo. Kaya nga ba’t hindi ko din naman ibig sabihin na bale-wala ang mga teorya at konsepto kung ang mga ito ay may praktikal na aplikasyon at may kalakip na katotohanan sa ating lipunan, hindi iyong basta na lamang tatanggapin at aariing wasto kahit na walang pagsisiyasat at paglalapat na ginagawa.
NGAYON, sino ang dapat na gumawa ng mga nabanggit sa itaas kundi ang mga guro??!!! Siyasatin natin… Kailangan nga ba ang kursong nursing sa ating lipunan??? Limot na ba ang katotohanan ng BRAIN DRAIN na dekada otsenta ay isang tanggap ng katotohanan sa hindi pag-usad ng ating ekonomiya… Ang umiiral na lang ba ngayon ay ang “katotohanan” ng dollar remittances, na kung ating susuriin ay pansamantala lamang ang epekto para sa ating naghihingalo subalit ayaw mamatay-matay nating ekonomiya .
Sa totoo pa din… hindi ang mga guro ang sinisisi, kundi sila ang pinupukaw at ginigising ang mga natutulog na diwa… sapagkat sila ang pwersang pwedeng magpabago sa ating lipunan kung tutuparin lamang nilaang kanilang mga obligasyon / responsibilidad… Nakapaloob sila sa isang sistema na armas ng bawat mauunlad na bansa sa ating mundo kung bakit na-abot nila ang industriyalisasyong kanilang tinatamasa sa kasalukuyan –> ANG EDUKASYON.
Muli ay hinahamon ko ang mga guro… siyasatin natin ang kawastuan ng ating EDUKASYON.
Sa ikatlong katanungan ni JIM, “lahat ba ng problema ng lipunan, maliit o malaki, ay dapat isisi sa titser?”
Muli ay nais kong linawin na hindi ito isang paninisi, kundi isang pamukaw-isip. Tigilan na nga dapat ang pag-sisisihan, at simulan na nating mag-isip talaga… Lahat ng problema sa lipunan ay si TITSER lamang ang pwedeng
magbigay ng solusyon… Ikaw na mismo JIM ang nagsabi …hindi naituro ang wastong pag-gamit ng enerhiya at wastong paraan para iwasan ang Global Economic Crisis.
Sa palagay mo ba ay hindi nga ginagawa ng Amerikano ang pagwawasto na sinasabi mo? Isa sa mga solusyon ni US President Barack Obama ay nakatuon sa edukasyon bilang isang pangmatagalan subalit mas epektibong solusyon sa
Global Economic Crisis na sila ang pinagmulan…
Sa palagay mo ba ay hindi isinasakatuparan sa Europa ngayon ang pagsasaliksik, ng kanilang mga siyentistang syempre ay tinuruan ng mahuhusay nilang science teachers, sa “alternative source of energy” na hindi gagamit masyado ng “fossil fuel” na isang pangunahing sanhi ng Global Warming na sinasabi mo.
At sa palagay mo ba ay sino ang magtuturo sa mga susunod na henerasyon sa kani-kanilang mga bansa, kung ano man ang matuklasan nilang mga solusyon sa mga problemang ating nabanggit? Ang mga pulis ba? Ang mga pari? Ang mga nurse? HINDI BA’t SI TITSER???
Ang mga titser ang dapat na magkondisyon sa mga utak ng susunod na generasyon sa mga kawastuang dapat na gawin ng bawat isa… pulis man, pari man, nurse man, o anuman ang propesyon… Si titser ang magtatakda kung ang susunod na henerasyon ay magiging mainam o patuloy na bubulusok sa pusalian…
GANITO KAHALAGA ANG PAPEL NA GINAGAMPANAN NI TITSER… MAG-ISIP KA… HINDI ITO ISANG PANINISI…
ITO AY ISANG HAMON… Kung tunay kang guro ay hindi ka masasaktan sa aking mga isinisiwalat, bagkus ay pwede mo itong pagsimulan upang tunay na mag-isip ng solusyon… at ituro ito sa mga estudyante (kabilang na ang
solusyon hinggil sa trabaho ni Pinoy ba o Penoy)…
Ang pagiging isang guro ang pinakamabigat na propesyon sa buong mundo (buong sanlibutan) DAHIL PASAN NATIN KINABUKASAN NG ATING LAHI… NG SANGKATAUHAN…









