jump to navigation

Ang Karugtong ng Panimula – Unang Artikulo May 19, 2009

Posted by bagongpananaw in Ang Aking Paglalakbay.
trackback

Karugtong ng Panimula – Fransisko Kiamko

Mayo 15, 2k9 (12:15 am)

           Nakatapos ako ng kolehiyo na mukhang mas marami pang katanungan nabuo at naiwanan sa aking isip, keysa sa nasagot. Ano ba naman yan? Noon kasing panahon na iyon ay itinuturing na napakahalaga ng edukasyon lalung-lalo na’t isa kang probinsyanong pumalaot at lumuwas ng Maynila upang mag-aral sa isang kilalang unibersidad. Inaasahan ng mga katandaan at katulad mong kabataan na kadalubhasaan ang iyong makakamit, at mga matatalinong kasagutan sa katanungan ng buhay. SUBALIT, taliwas sa inaasahan nila, maging ng aking sarili ay mas gumulo pa ang lahat sa aking isipan!!!

          Lahat daw ay pantay-pantay sa mata ng diyos. Isa ito sa prinsipyong inukilkil sa amin sa loob ng klase. Minsa’y naglakas-loob akong palutangin sa loob ng klase ang kawastuan at/o kabalintunaan ng ganitong pananaw. Kung tunay na pantay-pantay ang lahat sa mata ng diyos (baka natutulog ang sinasabi nilang diyos), baka hindi niya nakikita o baka naman nakatalikod dahil hindi ko makita at malinawan ang karangyaan ng aking mga ka-klase na nakatira sa Forbes Park sa mga naglalakihang bahay na bato, air-conditioned ang mga kwarto na halos kasinglaki na ng buong bahay namin sa probinsya, naka-uniporme ang mga katulong na mas plantsado pa ang uniporme keysa sa sinulsihang uniporme ko at may sariling kwartong may telebisyon pa samantalang kami ng siyam kong kasamahan sa apat na metrong parisukat na boarding house ay nagkakasya sa tatlong palapag na kama at nakikinig lang sa palatak ng mga butiki sa kisame at kaluskos ng daga at ipis sa loob ng butas na dingding… TANGNA, nasaan ang pagkaka-pantay pantay sa mata ng diyos. O baka naman diyos lang nila ang tinutukoy at hindi kami kabilang sa mga ‘masusuwerting’ anak ng diyos nila.

          Huwag mo sanang masamain ang ginagawa kong pagkukumpara, ang sabi kasi ay pantay-pantay ang lahat… kaya’t aking inobserbahan at sinaliksik ang iba’t-ibang aspeto ng aking kapaligiran hangga’t maaari.

     NASA TAO (daw) ANG GAWA at NASA DIYOS ANG AWA! Nakupo!!! bakit parang baligtad na naman ang nakikita ko sa ating kapaligiran??? Ang ordinaryong naghihikahos na kababayan natin ay kayod ng kayod, gawa ng gawa, pero wala pa ring makuhang awa (o grasya daw ayon sa mga mananampalataya) mula sa diyos ng banyaga. Samantalang ang mga may salapi (o yung tinatawag sa Pilipinas na mayayaman), ay siya pang mas higit na yumayaman kahit, paupo-upo lamang at pakain-kain lamang ng masasarap na pagkain at palakwa-lakwatsa lamang sa mga mamahaling lugar sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. MUKHANG MAY MALI YATA SA SISTEMA.

          PINILIT KONG IHANAP NG KASAGUTAN ANG MGA NAG-UUMPUGANG REALIDAD AT TEORYA SA ATING LIPUNAN. Bago pa man ako makatapos ng kolehiyo ay sinaliksik ko na ang mga sulok ng aklatan sa unibersidad kung saan ay isinubsob ko ang ulo sa pagbabasa (kasama na rin ang pagtulog… air-conditioned kasi ang aklatan ng pilisopiya, kumpara sa impyernong silid-tulugan naming magkaka-room-mate). Nasumpungan ko ang mga liberal na ideya ng Europa na umusbong noon pang huling yugto ng 1700 (susmaryosep… sa Europa pala ay liberal o malaya nang nag-iisip ang mga tao, samantalang sa lupain natin ay niyuyurakan pang kasalukuyan ng mga prayleng Katoliko at gwardya sibil ang ating mga kaisipan at katawan…) Pagka-dami-dami ng mga ideya at mga eskuwelahan ng ideya (school of thought) ang aking binusisi: skepticism, agnosticism, stoicism, liberalism, communism, socialism, existentialism, ang dami talaga… )

          AKING NAITANONG SA SARILI (sana itanong mo din sa iyo…): Bakit sila ay malayang nakapag-iisip ng kung anu-ano, tumuklas ng iba’t-ibang pamamaraan, at magpa-unlad ng kaisipan, samantalang dito sa ating bayan ay bawal ang kumuwestyon sa nakagisnang paniniwala. Babansagan kang kampon ng demonyo, sinasaniban ng masamang espiritu, lapastangan at kung anu-ano pa, kung sasalungatin o kaya ay sasalingin mo man lamang ang pundasyon ng kanilang pananalig.

           Napagkuro-kuro ko na relihiyon ang isang sagabal sa ating lipunan. Masyadong atrasado ang paniniwalang Katoliko at mapaniil ng kaisipan. Matindi lamang kumontrol sa mga mananampalataya sapagkat gumagamit ng pananakot upang mapasunod na parang robot ang mga ito…

          Ibinaling ko ang aking pagsasaliksik sa relihiyon. Nakupo!!! pagkadami-dami din pala. Mula sa mga primitibong relihiyon ng mga katutubo, hanggang Zoroastrianismo, Judaismo, Hinduismo, Mohamedanismo, Kristianismo, Protestantismo, Katolisismo, Shintoismo, Taoismo, Confusianismo… puro ismo, puro ismo…

          Lahat ay umaangking sila ang tunay na makapagpapalinaw ng landas ng tao… Saan naman kaya patungo, sa parasitismo o oportunismo. (SUSUNOD… Ang litanya ng mga relihiyon.)

Comments»

1. salisay - November 1, 2009

bakit po kaya pumayag ang mga ninuno natin na masakop ang Pilipinas(?) ng mga kanluranin? Bakit hinayaan nilang gawin ng mga mapagsamantalang dayuhan ang lahat ng panlilinlang sa kanila? Wala pa ba silang kaalaman sa panahon na iyon? hindi ba’t mayroon na silang sariling istruktura ng lipunan at pamumuhay? Ibig sabihin mayroon na silang pamantayan sa pamumuhay. Bakit di nila naisip na palayasin ang mga dayuhan sa simula pa lang?

2. bagongpananaw - November 1, 2009

Para sa iyo Salisay,

Ilagay mo ang sarili mo sa katayuan nila noon (paganahin mo ang masaganang imahinasyon)….
” Isang umaga sa inyong tribu na balot ng kapayapaan at kasaganaan ay nabungaran ng iyong paningin ang isang banyagang DAMBUHALANG SASAKYANG DAGAT at may bumabang MALALAKING NILIKHANG BALOT SA MATIGAS NA BAGAY ANG KATAWAN… ”

Hindi ka kaya matakot… Gumana kaya ang iyong rason o isip sa gitna ng pangangatog ng iyong tuhod…

Sa gawing Mindanao, kung saan namatay si Magellan ay tunay na hindi pumayag si Lapu-Lapu… Simula noon, hanggang sa ngayon ay hindi sila pumapayag na masakop (kaya nga ba;t patuloy pa din ang digmaan dito).

Sa Luzon at Visayas ay mayroon ding puta-putaking pagtutol, mula kina Bancao, Tapar, Dagohoy, Maniago, Malong, hanggang humantong sa Rebolusyon ng 1896.

3. salisay - November 2, 2009

opo,pero bakit hinayaan pa nilang tumagal ng mahigit 300 taon? Tapos pumayag pa silang mapangalawahan ng mga kano? sadya bang duwag na ang mga Pilipino (pasensiya na po,para sa akin lang naman) sa simula pa lang?

bagongpananaw - November 2, 2009

Hindi tayo duwag salisay… Matatapang nga tayo (ang hiya… he he he)… Kidding aside…

Kung susuriin mo ang agwat ng kaunlaran ng MANANAKOP (Espanya – nasa yugtong merkantilismo na sila 1521 ang petsa mula ipanganak si Kristo, 2.5 million mula sumulpot ang primitibo komunalismo ( http://en.wikipedia.org/wiki/History_of_the_world ).
Ganoon kalaki ang agwat ng kanilang kasulungan sa atin (ang SINAKOP – nasa iba’t-ibang yugto pa din ng primitibo komunalismo). Kumbaga, kung ito ang pagbabatayan ay tunay na wala tayong magagawa kundi ang hayaan na lang sila.
Maliit pa nga ang 375 (to be exact) na bilang ng taon….
Tunay na napakahaba pa ang ating lalakbayin….

4. salisay - November 2, 2009

tama po kayo dyan,nakalimutan ko nga po pa lang may isang ANDRES BONIFACIO na matapang na nakipaglaban para sa kalayaan.

dati po kasi ginagawa lang biro ng tao ang kay andres bonifacio, sabi ng mga loko loko, andres bonifacio, a tapang a tao, a putol a ….., a takbo a tulin.

bagongpananaw - November 2, 2009

Hindi lamang si Andres Bonifacio ang matapang… Sa ating tunay na kasaysayan ay mas mahalagang iugat natin (at kung maaari ay hagilapin) ang ating sarili sa mga hindi kilalang insurektos na pumatay, napatay, nakipagpatayan sa Kastila… Sila ang mga tunay na BAYANI…. Nagkataon lamang na si Andres Bonifacio ang namuno sa kanila, at hindi si Juan Dela Cruz o kaya ay si Mamerto D. Kilala….

5. tomagulto - November 6, 2009

makisawsaw lang po sa sagutan,

sa tingin ko po ang pagkatao ng pinoy ay napinsala ng virus, at ang pinagmulan ng mother of all viruses ay pinangalanan kong Vatican, dala dala po ang virus mikrobyong iyan ng krusadang krstiano at mga mersenaryong evangelist na daladala ni Magellan at Legaspi ng sakupin ang ating kapulutan, ang problema ngayon ay pinakakalat ng mga manunulat at makata ang mikrobyo at virus pangkaluluwa kaya ang mga pinoy ngayon ay “bugok ang kultura” gusto nating maging mabait pero di natin magagawa, dahil despalinghado ang ating values at moralidad na idinikta sa atin ng krusadang kristiano.

iniimbita ko po kayo na dumalaw sa kuntrakrusada.wordpress.com, isang blogsite po itong panliteratura na may layuning magpunyagi laban sa bugok at dekadenteng literatura at kulturang kristianong kinagumunan ng ating pagkatao.

marami pong salamat

tomagulto

6. Fransisko Kiamko - November 6, 2009

Sa pagsulpay pa lamang sa inyong komentaryo ay halos batid ko na ang ibig sabihin ng inyong pamagat na kuntrakrusada… Tunay po na isang napakalagim na bahagi ng kasaysayan ng tao ang Krusada ng Kristiyano na gumamit ng relihiyong Romano Katolisisimo upang pumaslang ng daan libong (o baka milyon pa nga) katao sa loob ng hindi bababa sa 300 hanggang 500 daang taon….

Tulong-tulong tayong gibain at gupuin ang mala-demonyong (sila din ang umimbento nito) epekto nito sa ating lipunan… upang kumalas sa pagka-busabos… Kayo sa larangan ng literatura, ako naman sa pagbalangkas ng Alternatibong Moralidad na tahasang babaklas sa nakagisnan….

Tayo na pong lumarga,
isko na lang po…


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: